Dalawang sakay ng jeep bago ako makauwi sa tinutuluyan ko ngayon. Pero ‘pag pumatak na ang Alas Siyete ng gabi, may dumidiretso na. Menos ng limang piso.

Alas singko pa lang ng hapon tapos na kami ni Eman mag workout. Bumisita ako ng simbahan, hihintayin ko na ang Alas Siyete.

Umupo ako sa may harapan, nakasanayan ko na. Para kung may grasya man ang Panginoon, nasa may unahan na ako.

Lumuhod ako, pinikit ko ang aking mga mata. Pinakinggan ang katahimikan. Iba ang katahimikan ng simbahan. Pero bago pa ako makatulog. Inupisahan ko na ang wish list ko, este ang pagdarasal.

Panginoong hari ng lahat, salamat. Sana ganito, sana ganyan, pagkalooban niyo po ako nito, biyayaan niyo ako ng ganoon. Halos pati pang-load ko ata hiningi ko sa Kanya, hangga sa natapos ako.

Umupo ako tsaka tinignan ang paligid. Medyo madami din pala ang nagdarasal. Nahiya ako sa dasal ko.

“Hindi ba sumasakit ang ulo ni Lord?”

Tumayo na ako at naglalakad na palabas ng simbahan. Nakita ko ang isang babaeng grasa. May hawak na sako ng mga boteng plastik, nakasumbrerong gutay-gutay, madungis, buhaghag ang buhok mukhang malagkit at mabaho.

Pero hindi ‘yon ang pumukaw sa akin, lalo akong nanliit sa nakita ko. Nakaluhod siya kagaya ng ibang mga nagdarasal, pero hindi siya nakapikit. Tinitignan lang niya ang kawalan at paulit-ulit na nagsa-sign of the cross.

“Baliw siya.”

‘yan ang unang sumagi sa isip ko. Pero kagaya sa karakter ni Sisa sa Noli, bilib ako sa kanya. At naway dinggin ng Panginoon ang panalangin ni Ate. Kahit ‘wag na ang dasal ko kanina.

Advertisements