Pagkatapos nun ay namatay ako. May bahagi ng aking sarili ang nawalan ng buhay. Pwede bang maunang mamatay ang kaluluwa kesa sa katawan?

Nagluksa ako. Umiyak. Natuyo ang lahat. Alam ko na may kailangan akong ilibing. Pakawalan. Kun’di ay mabubulok ang buo kong pagkatao. Saka ako tuluyang lalamunin ng kabulukan.

Isang gabi, iyak ako nang iyak. Alam kong oras na upang magpaalam. Saka ko idinantay ang aking ulo sa aking kanang balikat at tahimik na nagsimulang maglamay ng aking sarili.

Marami sa mga napagsabihan ko pagkatapos noon ang nagsabing napagod lang daw ako. Burn out. Pero hindi e. Dahil ilang beses na akong napagod at na burn out sa buhay, sa trabaho, at sa marami kong mga pangarap. Kabisadong-kabisado kong pahinga ang solusyon kapag ganun. Pero ito hindi.

May namatay sa aking pagkatao.

Naubos. Naupos. Nalagutan ng hininga. Napundihan ng liwanag. Apoy na binuhusan ng tubig, balde-baldeng tubig hanggang sa malunod sa pusod ng malawak na karagatan at hindi na maaring masagip pa.

No’n ako namahinga sa ingay ng mundo. Itinago ko ang sarili, akay-akay ang bangkay na akin paring pinaglalamayan.

Inilayo ko ang natitira ko pang pagkatao sa mga kunwaring pakikiramay ng mga taong manggagamit at mananamantala. Sa mga walang pakialam. Pati na sa yakap at yapos ng mga may tunay na kaibigan na kahit kelan ay di ako lubusang na maiintindihan.

Nagtago ako pagkatapos at nagpahinga sa sarili kong kabaong. Hanggang sa hindi ko na alam ang kaibahan ng pahinga sa hindi paghinga.

Isang umaga o gabi, o hapon –dahil wala naman nang kaibahan ang liwanag sa dilim– sanay na pala ako sa katahimikan. Na hindi nangangahulugan ng lungkot, saya, pighati, o ng kahit ano.

Kawalan.

Kawalan ng buhay. Kawalan ng pakialam. Kawalan nang lahat ng meron.

At may kaiba palang saya doon.

May kaiba palang kapayapaan sa pagkawala. Nasabi ko. Napakarami palang pwedeng matutunan sa wala. Bakit ba ngayon lang ako nawala? O matagal na ba akong nawawala at ngayon ko lang nahanap ang katotohanang iyon?

Sa ngayon ay pakiramdam ko’y malapit na akong ipanganak ulit. Tanda itong sulat kong ito sa nalalapit kong pagkasilang.

Tapos ko nang ilibing ang aking sarili at nadarama ko na ipinagbubuntis na ako ng panahon.

Kailangan ko na lang maghintay.

At sa oras na iyon, hindi na ako ako. Nakakalungkot lang siguro na kapag nagkataon ay hindi na rin kayo, kayo.

Pero baka ‘yon man ay hindi ko na rin ipagdaramdam. 

Advertisements