Hindi na ako ulit nag-update ng blog ko. Ang huli kong post ay ang tula kong “BALIK”, August 26, 2015 pa ‘yon.

Bakit nga ba hindi na ako nagparamdam? Kahit sa mga maiikling tula o prosa lang? Bakit ba hindi na ako nagkuwento tungkol sa nangyayare sa buhay ko? Wala na ba akong maikuwento? Wala na ba akong alam sabihin? O napagod lang ba akong magsulat at makipag-usap sayo?

Ang totoo niyan, nawala ako dahil napakarami kong kwento. Nawala ako, dahil binuhay ko ang kwento ng buhay ko. Subalit hindi katulad ng dati, hindi ko naisulat at naikulong ang mga ‘yon dito. Sayang. Pero hindi pa naman huli diba?

Hindi ko alam ano ang mararamdaman ko. Masaya ako sa mga masasayang ibabalita ko sayo. Pagkat tunay na naging maganda ang takbo ng buhay ko ng mawalay ako dito. Pero, nakakalungkot isiping naiwanan kita. At tanging kwento na lang ng masayang karanasan ko ang maibabahagi ko sayo.

Ganap na director na pala ako ngayon. Yung tipong hindi na lang ako ang nakakaalam na direktor na ako ng pelikula. O mga kaibigan ko.

Natapos ko ang una kong full-length film ARI: My Life with A King last year. Mahirap ang naging proseso. Lalo na yung prosesong kailangan kong ulit-uliting paniwalain ang sarili kong kaya kong gawin ‘yon.

Pero sa huli, niyakap ko ang hamon ng maliit na boses sa loob ko. Naniwala ako sa sarili ko, sumunod ang buong mundo. Nanalo ng awards ang pelikulang ARI, sa labas at loob ng bansa. Nakalipad ako papunta India dahil dito kung saan pinarangalan din ako bilang Best Debut Film Director.

Kinilala din kaming Best Film ng Metro Manila Film Festival New Wave section. Namulaklak ng trophies, interviews, clippings ng dyaryo ang bahay namin. Pansamantala parang bumubukadkad na nga talaga ang mga itinanim kong pangarap.

Degree holder na rin ako. Natapos ko na din sa wakas ang kolehiyo. Parang kelan lang kailangan kong maglinis ng classroom para makapag-aral, mag-benta ng yema at gumawa ng assignments ng iba para magkabaon.

Sa isang iglap, parang napaka lapit ko na sa katuparan ng aking pangarap. Hindi pa pala.

Na kahit gaano pala kaganda ang pagbukadkad ng mga bulaklak, hindi mo maaring hindi makita ang mga pesteng namumugad din sa hardin.

Subalit, ngayong araw na ito, I just realized na I am living my dream–
maging isang makabuluhang alipin ng sining!