Isang araw ipinasya ng mga buwaya na libangin ang mga isda sa mga walang lamang kasagutan ng kanilang kakamping paing nagngangalang Napoles.

Hindi ko po alam.

Nakalimutan ko na po.

Hindi ko po alam sa kanila

At I invoke my right against self-incrimination.

Umingay sa facebook, sa twitter. Lahat may kanya kanyang bersyon ng mga quotable answer ng bidang si Napoles. Tila nanunuod ng comedy show ang mga isda, tuwang tuwa sila sa biglaang amnesia ng babaeng matanda. Nakalimutan nila ang bisitang si Yolanda.

Hating gabi ng parehong araw, nag-eedit ako ng film kasama ang isang mabait na isda na eskolar ng bayan.

Pinaalala niya sa akin si Yolanda, tinakot niya ako. Nakalimutan ko si Napoles, kinalimutan ko ang babaeng matanda.

Subalit mahina ang naiusal kong dasal.

Kinabukasan, andyan pa si Napoles.

Wala na si Yolanda.

Patay na ang mahigit dalawang libong isda.

At buhay pa ang mga buwaya.

Mga buwayang tila nanunuod ng comedy show ng mga isda sa aquarium na tinuyo, inalog, winasak. Pinapanuod at pinagkakatuwaan kung paanong ang mga nakaligtas na isda ay unti-unting kinakalimutang isda sila at upang mabuhay ay kailangan nilang sundin ang yapak ng mga buwaya. Kinikilig ang mga buwaya habang binibilang ang mga nalagutan ng hininga, ‘pagkat mas maraming bilang ng namatay ay katumbas ng mas maraming tulong sa ibat ibang panig ng mundo.

Marami na nanaman aasikasuhin ang bidang si Napoles.

Ngunit sa pagkakataong ‘yon, hindi na matutuwa ang mga natitirang isda, pagkat sa aking palagay, kailanman, ay hindi na malilimutan o kalilimutan ng mga kawawang isda ang mga ginawa ni Yolanda, ni Napoles at ang mga Buwaya.