Birthday ko kahapon, at masaya akong kaarawan ko nga talaga, araw ko nga talaga. Tipong sa isang munting araw sa daang araw ng  buong taon, at sa labing siyam na taon kong nakihinga sa hangin ng kalawakan, naging akin ang mundo, kahapon.

Ganun pala masurpresa, ganun pala ang pag-iyak sa kasiyahan. Isang bagong karanasang hindi ko malilimutan. Totoo pala ang saya, ang tunay na saya…

Masaya din pala talagang makitang masaya ang mga taong nagmamahal sayo, walang bahid ng pagkukunwari, purong kaligayahang hindi masusukat ng ngiti.

Hindi lang pala jowa at ihi ang makakapagpakilig sa kalooban ng isang tao, maari rin palang kilitiin ng mga mumunting kaibigang nagbahagi ng tuwa na higit pa sa kilig ang idinulot sa iyong kalamnan. Nanginginig ka sa saya, naiiyak ka sa tuwa at napapasimangot ka dahil ngayon mo lang talaga napatunayan at naramdaman na ang tunay na kahulugan ng saya ay hindi makikita, o mahahawakan dahil ito ay isang pakiramdam na tanging ikaw at ang mga taong nagmamahal sayo ang tanging nakakaintindi.

Walang magarbong handaan si Kaloy, walang maraming bisitang nakabihis ng maganda, o di kaya’y mga regalong itinali ng pulang laso na naglalaman ng regalong hinahalintulad sa ticket upang makapasok sa sinehan. Tanging mga tunay na kaibigan, pamilya at mga mumunting surpresa ang nagbigay sa akin ng karapatang angkinin ang mundo sa aking kaarawan.

Sa lahat ng tao sa mundo ko, maraming salamat! Dahil sa patuloy niyo  paring hinuhubog si Kaloy.

God is good all the time! Kaya wala kang rason para hindi mag smile. 🙂