Kapag pinasukan mo ang buhay teatro, hindi mo maiiwasang masagi ang camera. Sinabi ‘yan ng kasamahan ko nagn panahong nag-uumpisa pa lang ako sa mundo ng entablado. Akala ko tungkol lang sa pag-aartista na naging pangarap ata ng lahat ng pinoy ang tinutukoy niya, akala ko tungkol lang ito sa isang pangarap, akala ko matagal pa bago ko maisip o madaplisan man lang ang tungkol sa pangarap na ito. At kagaya ng lagi, mali nanaman ang akala ko.

Matagal ang paghihintay sa mga show, at kapag walang show patay ang mga artista ng teatro. Patay ako.
Bilang isang undergraduate na tinalikuran ang eskwelahan, upang subukang suntukin ang buwan sa katauhan ni Elias, sa pag-aakalang magiging madali ang lahat, kagaya ng isang assignment sa loob ng paaralan, o ng mga penikulang mainstream kung saan uso ang happy ending. Mahirap madapa, dahil tipong ito ang inaasahan ng lahat sa ginawa kong desisyon.

Nga-nga! Literal na malalaglag ang panga mo sa kahihintay, siguro talagang kasama na ng buhay ang paghihintay, madalas nga lang, mainipin tayo, mainipin ang tao.

Pero minsan pala ang mga magagandang bagay ay hindi ang mga hinihintay, kundi ang mga bagay na dumarating kasabay ng ating paghihintay. Kagaya ng SINEKLAB.

Sa kawalan ng ginagawa, marami akong natutunan, marami akong natuklasan mga bagay na masasabi kong hindi nasayang ang paghinto ko sa pag-aaral dahil patuloy akong natuto, mga kaalamang alam kong hindi ko matutunan sa loob ng eskwelahan.

Nabigyan ko ng oras ang pagsusulat ko, natuto akong maglaba, nakita ko ang tunay na buhay ng isang ina, ng aking ina. Natikman ko ang buhay sa labas ng aking uniporme. Naintindihan ko din ang sinasabi nilang tunay na buhay. Nalapit ako sa kultura, sa politika, at higit sa lahat sa sining.

Kamakailan lang pinukaw ng penikula ang aking mga malabong matang sinalaminan at nilinaw ng apat na araw na Film Workshop. Sa pamamagitan ng San Fernando at pakikipagtulungan ng  CCP at pagbabahagi ng mga namumukod tanging kaalaman ni Sir Edward Cabagnot, isang natatanging alagad ng sining na mula pa sa CCP.

Bilang nag-aambisyong sumibol sa larangan ng penikula, isang napakalaking buhos na biyaya ang makadalo sa workshop ni Sir. Edward. Bukod sa napaka dali nitong pakiusapan napakahusay din niya sa kanyang ginagawa na bunga na rin ng matagal na experience.

Ang kanyang workshop ay pinamagatang “paano nga ba manood ng isang penikula” kung paka-iisipin tama nga na kung nais mong bumuo ng isang masarap na putahe kailangan mo munang malaman kung paano tikman at lasahan ang masarap. Kagaya sa ginawa ni Sir. Edward, pinapanuod niya kami ng mga palabas na ibang-iba sa nakikita natin sa tv na madalas nating pinagkukunan ng ating mga kaalaman sa penikula.

Mula sa mga klasikong “Biyaya ng Lupa”, “Insiang” at mga indie films na hindi mo basta basta mahahanap sa suking tindahan kagaya ng “Bonsai” “Mansyon” “Isada” “Nino” 100″ “Babae sa Septic Tank” “at marami pang ibang mga penikula na talaga namang napaka layo sa mga napapanood natin sa Cine at telebisyon.

Sa katunayan, bago pa ako nakadalo sa workshop ng Sineklab nasubukan ko ng gumawa ng isang script na sinubukan namin ng aking mga kasamang isabuhay ngunit nahinto lamang dahil sa mga hindi maiwasang bagay kagaya ng bagyo at pagkakasakit ng bida naming lalaki.

Pagkatapos noon ay pinasulat muli ako ng isang bagong likha na binihisan na ng mga bagong kaalaman mula sa workshop.

Kahapon, napakasaya namin pagkat natapos ang shooting ng bagong short film namin at sobrang saya ko na natapos ang lahat ng eksena! Ang film narin na ito ang dahilan kung bakit napaka late na ng post ko tungkol sa SINEKLAB. Magpopost din ako tungkol sa naging proseso ng paggawa ng aming munting short film. At kapag pinayagan, ipopost ko din dito ang mga candid pictures at trailer.🙂