Madaling araw nanaman -alas dos

‘yan ang sabi ng orasan. Walang sawa

na nagbibilang ng segundo.

 

Tik. Tak. Tik. Tak.

 

Gusto kong basagin ang relo.

Marahil ay naririndi ako sa tunog

ng walang hanggang pagpalo

ng mga kamay nito. Halinhinan,

tulungang maikutan ang kabuuan

ng dosenang numero.

 

Tsaka ako naiyak.

Kagaya ng orasang tanga,

wala rin pala akong kapaguran

sa pagmamahal sa kanya.

 

Pero mabuti pa ang relo,

may kasamang mga kamay.

Hindi kagaya ko, mag-isang

nahihilo sa paulit-ulit

na tibok ng puso ko para sayo.