Dahil Blog ko naman ito at binaha ang bansa ko.. Makikisabay ako sa pag-iyak ng bagyo dahil sa inagawan siya ng role ng epal na hanging habagat.

Madalas ko sabihin noon mahirap ako mahalin, hindi kasi ako marunong mag-mahal, hindi ako naniniwala sa pagmamahal. Pero dinala ng hangin ang paniniwala kong iyon.

Kung gaano ka weird na halos malunod na si Mahal sa taas ng baha ay siya namang paglutang ng pagmamahal ko sa isang taong binagyo ko ang buhay matapos kong makipag hiwalay siyam na buwan ang nakakaraan dahil sa isang mababaw na dahilang -hindi ko alam.

Too make the long story short, we had a fairy tale lovestory kung saan ako ang bidang naging kontrabida na tumapos sa masasayag araw ng bida na ako rin pala. Dahil natapos ang masasayang araw ng bida, -umulan.

Akala ko, kaya madaming nanuod ng “One More Chance” movie nina John Lloyd at Bea eh dahil sa sikat ang dalawa. Mali pala ako, pinanuod ko ang palabas at napapa-putang ina ako dahil parang tulo lang ng ulan sa butas ng bubungang dumidiretso sa sinahod na tabo ang kwento nito sa totoong buhay, -swak na swak!

Laging bilin ng nanay ko, huwag mo kainin ang isinuka mo ng pagkain, nakakadiri. Pero kapag pala hinangin ng habagat ang puso mo at binaha na ng luha ang mata mo dahil sa bagong kaalamang walang pinipili ang pagmamahal, kahit ilang buwan, araw o taon na ang nakalipas. Kahit pala isinuka mo na, hahabul habulin mo pala talaga para lang masilipang muli ang masaya’t nakangiting araw. Kahit nakakadiri, o kahit pinandidirihan ka na ng suka mong ayaw ng bumalik sa bibig mo.

Sumikat ng muli ang araw kanina. Kailan kaya sisinag ang akin?