Naririnig ko ang mga yabag

ngunit ayaw kong buksan

ang aking mga mata.

Natatakot akong baka,

kumupas ang mga ito.

Kasabay ng panaginip

na ika’y naririto pa

sa ating munting silid.

 

Naglalakad sa pasilyo

hinahanap ang balbuning-

tsinelas mo. Sa ilalim

ng gilid ng ating kama.

 

Naghihilamos sa banyo,

nagsusuklay at sipilyo

habang inaawit na

sana’y ‘di tayo magbago.

 

Tsaka mo’ko muling tatabihan,

yayakapin mula sa likuran.

At ibubulong sa akin

kung gaano mo ako

hindi kayang iwanan-

pero nagawa mo, ginawa mo.

 

Binuksan ko ang mga mata,

mga matang lumuluhang nakapikit.

Kailangan kong magpatuloy,

dahil ‘yan ang pangako ko.

 

Kahit sinira mo ang pangako mo-

na lalaban ka.

 

Kailangan kong bumangon,

harapin ang nalalapit-

na pag-iisa. At huling

pagkakataong ika’y makita pa.

 

Ilang luha pa kaya

ang kayang itulo

ng aking dalamhati?

Tatlong matatamis

na dekadang ngiti

rin pala ang naiguhit mo

sa aking mga labi.

 

At ngayong kinuha ka na

ng iyong mga uban.

Kalungkutan din pala

ang aking kahahantungan.

Subalit magkagayon man,

‘wag kang mag-alala mahal,

malapit naring mapuno

ng puting buhok ang ulo ko.

 

At aking tutuparin

ang nais mo sa iyong awitin.

‘di tayo magbabago,

kahit maputi na ang buhok ko.