Magsinungaling ka,
Itanggi ang katotohanan
Na ako’y hindi mo mahal.
Na ako’y iyong pinaglaruan.

Magsinungaling ka!
Mag balat-kayo’t magbunyi
Bulukin ang tunay na nararamdaman.
Sa harap ng altar ay ngumiti

Sa tarangkahan ng puso ko’y
Huwag kang tatakas
Magsinungaling ka
Na ito ang iyong nais.

Naisin mong ako ang dukesa
At ikaw ang aking kapares
Sumugal sa barahang
Ako ang reyna at ikaw ang hari.

Kamatayan ang mahalin ka
Kaya magsinungaling ka!
Sabihin mong walang iba
Dagli’y patatawarin kita.

Magsinungaling ka!
Ibsan  ang aking pangamba
At ibaon ito sa kabaong
Nang humihinga kong bangkay

Sa bulwagan ng kaluluwa
Ngalan mo’y nakaukit na
Kaya magsinungaling ka!
Dahil walang buhay kung wala ka.

Buhayin mo ang patay
Patibukin ang puso kong gulapay
Ibalik ang galak sa buhay
Isaoli ang tamis sa aking dulsera

Pakiusap, magsinungaling ka!
Ayokong marinig ang katotohanan
Sabihin mong ako’y iyong mahal,
Bigkasin ito ng walang bahid ng kasinungalingan.

Kaya magsinungaling ka.
Magsinungaling ka!
Kalunusan mo ako mahal,
Magsinungaling ka.