Kagaya ng dati, hilig ko parin
ang pagtambay sa labas.
Pagsapit ng gabi, hinihiling parin
ang pagdaan ng mga shoting stars.

Kagaya ng dati, wala akong imik
sa panonood sa kalawakan-
kasama mo, noon. Pinakikinggan
ang iyong paghinga.Paghingang
pumapayapa sa madilim kong mga gabi;

Kagaya no’ng kasama pa kita.
Nakatingala ako sa liwanag ng buwan,
hinahayaang sumipol ang hangin,
at maglakad ang oras.
Kagaya ng dati-

Ngunit, tila walang gaanong
gilas ang ihip ng hangin.
Pagod din ang oras,
na nagpasyang gumapang.
At wari’y mapusyaw
ang ningning ng mga bituin;

Baka nagtatago sa likod ng mga ulap,
o di kaya’y tuluyan ng nawala-
kagaya mo. Uulan daw kapag ganito.

Ibang-iba na nga ang dati.
Nakasampay man ang buwan
at mga bituin, kasabay
ng pihit at buga ng hangin-

Iba parin ang liwanag ng gabi
kung ikaw ang kapiling,
sa lilim ng dilim.

Pero kagaya ng dati,
pinagdadamutan parin ako
ng shooting stars- hindi
na nga siguro kita makakatabi pa,
kagaya ng dati.