Umulan. Malakas ang tulo ng ulan-
sa’king mga mata. Pumapatak.
Habang nalulunod
ang aking mga sakong sa baha-
ng dalamhating sanhi’y
mga estero ng kanal
na nagbara at nagkubli
ng sandamakmak na poot!

Matagal na kinimkim
at itinago. At umalingasaw
ngayon ito sa biglang pag-ulan.

Kasabay nito, ibinuhos ko din
ang isang dagat kong luha.
Binasa ang aking labi
at sinabi; hindi na ako aasa pa.

Ngayon, unti-unti kang nawawala
sa aking hinagap. Lumalabo ang lahat.
Sa pagtila ng ulan.