Isang araw, (isa lang naman talaga ang araw) pinasukan ko ang subject na mas madalas ko pang katingan. May quiz daw kasi. Lakas ng loob ko mag-quiz! Wala naman akong alam. Malapit na ang mga test paper, na sa second to the last row ako. Hawak na ng nasa harapan ko ang papel na naglalaman ng mga katanungang hindi ko alam sagutan. “Lord! Hear my prayer” sumisigaw na ang utak ko.

Kalabog!!

May kumatok. Naudlot ang quiz ko. Lumabas si Sir, at pinatatawag ako.

“Hala kaaaaaaaahh” sabi ng mga nakasinghot kong klasmeyt. Habang iwinawagayway ang hintuturo ng pataas pababa.

“Wala naman ako ginawang masama, bakit ako pinatatawag sa labas? Sino kaya ang bisitang padala ni Lord na sagot sa dasal kong maudlot ang quiz ko?”

Bumungad ang tsabing mukha ni Sir Pabs. (Hindi ko siya kilala, pero ‘yon ang tinawag na pangalan sa kanya ni Sir)

Sir Pabs: Gusto mo mag take ng exam para sa Concierge? (College Publication ng mga CHM at kabilang ang course ko doon.)

Ako: Ayaw.

Nagtinginan ang dalawang guro, nabigla siguro na marunong tumanggi ang isang hamak na estudyante. Pero never say never ata ang motto nung mataba, este tsabi lang pala. Tinanong niya sa teacher ko ano ang ginagawa namin. Naalala ko din tuloy na may quiz nga pala kami. (Lord, sana tanungin niya ulit ako. Hindi na ako hihindi.)

Mabait talaga si Lord, hindi niya lang tinupad ang dasal ko. May bonus pa!

Sir Pabs: Mag take ka, exempted ka na sa quiz niyo. Diba sir? (tinignan niya ang payat kong teacher na lalo pa pumayat sa tabi niya)

Ako: … Kunin ko lang po ang gamit ko. Sige!

Sir Pabs: Sige, pumunta ka na lang dun ah? Alam ko kung hindi ka pumunta. May mga mata ako doon. (Nag banta pa ang loko)

Pagdating ko doon, may mga nag eexam na. Malamang parang survey lang ‘to. Bibilisan ko na lang para may oras pa mag mirienda.

Binigyan ako ng folder, pina-sulat ang pangalan at kontak namber ko sa listahan nila. Tsaka pina-upo sa may likuran at “you may start sabi nung maganda”.

Una madali lang ang mga tanong kasi may choices pa. Bilog bilog, hula hula. Wala akong alam sa parte ng dyaryo, hindi ko alam ang pinag kaiba ng headline sa tagline oh kahit anong line pa ‘yon. Okay lang, wala namang epekto ‘to sa grade ko. Basta exempted ako sa quiz! Ang mga sumunod na part ng exam puro essay! Wala akong alam isulat pero buti na lang madaldal ang kamay ko at naka-mood mag english ‘yong lapis na pinahiram nila na balak ko pa sanang dekwatan. Ayun, natapos ang exam at late pa ako sa susunod na subject! Ang daldal kasi ni kamay.

Pagkatapos nun, wala na akong pakialam. Pero ilang araw ang lumipas.. May nag text! (wow, parang Vice Ganda lang)

Hindi ko memoryado ang text basta ang sabi kwalipayd daw ako at may personalang interview sa susunod na araw na pinuntahan ko naman. Medyo madaldal din ang dila ko, at baka may libreng pa-mirienda.

Ilang minuto ako tumunganga sa may ofis sa paghihintay na matawag ang pangalan ko. Mukhang lahat naman ng nakita kong nag written exam nandoon. (naku lahat natanggap! ibig sabihin no choice lang siguro sila)

Kaloy? sabi nung lalake.

Pumasok na ako, umupo sa may bilugang mesa. Nandun nanaman si Sir Pabs. (Kilala ko na siya ngayon.) tsaka isang babae sa may kaliwa ko, lalaking parang galit sa mundo sa harapan ko, at mga naglalambuntsingang extra sa kaliwa para may audience impak kapag umariba na si bunganga.

Una medyo may galang pa ako sumagot at umiingles pa ng kaonti. Nung medyo nangingiti na ang nasa harapan ko at todo tango ang nasa kanan. Nagpakitang gilas na ang mga kwentong kusinero ko.

“Hindi ko alam na may kakayanan pala akong sumulat pero mula ng sumali ako ng mga patimpalak na may premyong salapi na pangunahing dahilan ko kung bakit ako noon nagsusulat at napadpad sa mga iba’t-ibang writing workshop napagtanto ko na ako’y alagad ng sining at ang Concierge ang itinadhanang duyan at tahanan ko sa mga susunod na taon.” Habol hininga muna, walang kama akong nagsalita. Nakakita ng pagkakataon sumingit ang intervewer at nagtanong in his most simangot way.

Interviewer na daig pa si Ninoy sa posing: Paano mo masasabing magagawa mo ang trabaho mo kung matatanggap ka dito, eh bukod sa estudyante ka working student ka pa ng paaralan?

Gusto ko sanang magpasalamat sa tanong pero baka akalain nila ako ang counter part ni Ms. Angola. Kaya sumagot na lang ako ng diretso.

“Para sa akin ang pagsusulat ay hindi madaling trabaho pero gaya nga po ng sinabi ni Sir Ricky Lee sa workshop na inatendan ko. “Bilang manunulat, kailangan mong sumulat” nangangahulugang kahit makuha man ako dito o hindi magsusulat parin po ako dahil kapag nagsusulat ako, nagpapahinga ako at ang pahinga ay bahagi na talaga ng buhay ko meaning hindi ito magiging hadlang sa pagiging estudyante at working student ko.”

Lumabas ako sa silid ng nakataas noo kahit kitang kita sa ilaw ang mga tagyawat ko. Dinig ko ang mga tahimik nilang palakpakan pati ang mga extra humihiyaw sa katahimikan. Nakakabingi, nakakataba ng puso.

Ilang araw nanaman ang lumipas. (Ilang araw nga ba meron tayo? Isa lang diba?) May nag text! (wow, parang Vice Ganda lang ulit) Congratulation!! Isa ka sa mga nanalo ng kabuhayan showcase. Dyok. Ayun kuha daw ako bilang literary editor. Ahh okay, ano ‘yon? Haha!

Itutuloy…