Maaga ako matutulog ngayong gabi, bukas kasi sasamahan ko si Papa Jesus.

Kinabukasan pinanuod ko ang paghahanda ni Tito Alvin. Nagpahingi siya sa akin ng garapon ng stick-o sa tindahan ni Mama, pinakuha din niya sa akin ‘yong lubid at palaspas na tinabi niya kagabi tsaka ‘yong maroon niyang t-shirt na binutasan niya ng dalawa para makakita. Noo’y tinakpan na niya ang kanyang mukha gamit na nga ang maroon na t-shirt. Tapos, isunuot na rin niya ang korona niyang gawa sa dahon. Tumayo siya sa harapan ko.

“Jayjay, kamusta itsura ko?”

Tinignan ko siya mula ulo hanggang talampakan. Wala siyang damit, maong na pantalon lang ang suot niya na pinaluputan ng lubid. Sa totoo lang, nakakatakot si Tito pero inisip ko na lang, ganon siguro talaga dapat. Wala akong sinabing salita kundi isang thumbs up lang. Tsaka na siya dumapa at nagpasugat sa likod gamit ang blade. Pagkatapos noon ay nagsimula na kaming naglakad.

Halos pula na ang lamang tubig ng hawak kong garapon ng stick-o ng matanaw ko ang arko ng baranggay hall. Natuwa ako na malapit ng matapos ang panata ko, iba ang pakiramdam na matatapos na ang pagtulong ko kay Papa Jesus. Gagaling narin ang ulcer ni Tito Alvin. Pero, bigla akong naguluhan sa nadatnan namin.

Ang daming Papa Jesus. Nakadapa, pinapalo ng malakas, sa pwet. Kawawa sina Papa Jesus.

Bakit hindi sila tinutulungan ng mga nanunuod? Bakit nakangiti ang mga tao sa paligid? Parang nagkakasayahan pa sila. Hindi ko napigilan ang mga luhang tumulo sa aking pawisin at duguang mukha, talsik ng dugo ni Tito.

“Isang Papa Jesus lang ang tinulungan ko, hindi ‘yon sapat para magican niya si Lola para gumaling”

Pinunasan ni Tito Alvin ang pisngi ko, tapos ay lumuhod siya sa harapan ko at banayad na tinabing ang maroon na t-shirt na tumatakip sa pagod na pagod niyang mukha.

“Hindi lahat ng umiiyak malungkot, kagaya ng hindi lahat ng tumatawa masaya diba?”

Naguluhan ako sa tanong niya, pero tumango lang ako.

“Kagaya din ng hindi lahat ng nagpepenetensya ay namamanata kagaya mo Jayjay.”

Magulo parin ang mga salita ni Tito, wala akong naintindihan sa mga sinabi niya. Binalik na niya ang takip sa mukha at sinabi niya ang kanyang mga huling eksplinasyon na nagpagaan sa aking pakiramdam.

“Nakita ni Papa Jesus ang dedikasyon mo sa pagtulong sa akin, at sa palagay ko Jay, mas matimbang pa ‘yon sa ginawa ko ngayon o sa kapit bahay nating nagpapako sa krus kahapon na tumutungga na ng alak kanina sa kanto.”

Tumahan ako sa pag-iyak at kinuha ko ang palaspas ni Tito na binabad ko sa hawak kong garapon. Tsaka ko siya tinignan at binigyan ng thumbs up.