Kay ganda na ng bahay, halos ilang linggo na lang matatapos na ito. Tatlong palapag na may pitong silid na sinadya para sa lima kong anak at sa master’s bedroom namin ni misis at isang guess room.

Kung gaano kalaki at kaganda ng istraktura ay ganun din kaganda ng mga banyo. Malinis, may inudoro,  at linya ng tubig. Moderno ang disenyo, nakalulula naman sa espasyo ang salas na binalutan ng karpet at hindi ng bulok na plywood o mga mantsadong plastik, maging ang garahe nito’y maluwang na magiging tahanan ng tatlong magagarang sasakyan.

“Tonyo! Ayusin mo ang pagpukpok dyan. Lumilipad nanaman ang isip mo!” bulyaw ni Forman

Malamya na kasi ang hawak ko sa martilyo, halos hindi ko na maibaon ang mga pako sa bubong. Nanginginig na ang aking sikmura. Pati ang araw tirik na katulad ng aking mga mata. Nagbubuga ng usok ang bibig ni Forman habang nakasilong sa ibaba kasama ng kanyang sigarilyo, kulang na lang ay humilata siya sa kanyang pagkaka-upo.

Lumalangitngit ang nagliliyab na yero sa bawat kong hakbang, nilalapnos ang aking mga sakong at talampakan. Sinusunog pa ng araw ang sunog ko ng balat. Nagmamakaawa na rin ang aking sikmura ng pagkain, at umiiyak na ang aking katawan ng pahinga. Pero kailangan akong magpatuloy, sinubukan kong tignan ang mga tao sa ibaba, sinilip ko ang kanilang mga mukha. Nagtsitsismisan nanaman sina aling Milagring, tumatawa naman sina Kokoy. Tila hindi ako nakikita ng madla, tila hindi ako nabubuhay sa kanilang mundo.

Ngunit walang init ng araw, paso ng yero, gutom at pagod maging bulyaw ng demonyo at pagbabaliwala ng aking kapwa ang makatitinag sa aking paghahanap-buhay para sa aking buhay; ang aking limang anak, at asawa kong naghihintay sa ilalim ng tulay. Sa dampang aking tinagpiaan ng aking walang hanggang obligasyon; maging Ama sa kanilang lahat. Ilang ulit man ako mapako sa bukod tanging trabahong alam ko, hindi ko sila pababayaan. Hindi ko sila itatakwil at tatalikuran.

Dahil mahal ko sila kagaya ng pagmamahal sa akin, sa amin, sa atin ng pinaka idolo kong Karpintero.. Si Hesus.