May mga bagay na matagal mo ng pinapangarap pero kapag nasa harapan mo na, matatakot kang angkinin ito.
April 4, 2012. kahapon. Hanggang ngayon, nasa reminder parin ng cellphone ko. “Final Audition” Noli Me Tangere. Final Casting kung tawagin. Ito ang araw na Paulit-ulit ulit ulit na inimagine, pinanabikan, kinatakutan at pinadrasal ko maging na ng mga kasamahan ko.
Mahigit isang linggo din ng ibigay sa amin ang mga sample scripts ng mga potential roles na pag-aaralan namin. Apat ang ibinigay na script sa akin. Apat na ibat-ibang characters: Padre Damaso, Kapitan Tiyago, Elias at Narrator (Add up character ni Direk Bicong for the Musical). Ang una’t huling nabanggit ay mga major or highlighted characters ayon na rin sa gagawing theater play. Kaya ako, nag focus ako sa Narrator at kay Damaso. (Ambisyoso)
Si Nikki (Aspiring Basillio) at si Ate Leo (Aspiring Sisa) ang mga naging matalik kong kasamahan sa pagsubsob sa Noli. Bukod kasi sa kasabay ko sila nag-audition sa first round, kasamahan ko na din sila sa Theater Org ng aming paaralan. Nabigyan din sila ng ibang mga scripts pero focus din sila sa mga gusto nilang role na highlighted characters din.
Puspusan ang pagbabasa ko sa mga script, pero mahirap mag practice ng mag-isa. Sabi naman nina Direk Bicong pwedi namin gamitin ang studio niya anytime. Kaya sina ate Leo madalas bumibisita doon. Nagpapractice o kaya humihingi ng acting tips. Hindi ako nakakasama dahil busy sa school finals na kasi noon at working student pa ako at the same time.
Papalapit na ang April 4, wala paring malinaw kung paano dapat atakihin ang role. Nagtext si Ate Leo sa akin.
“Nasaan ka? Pabalik kami ng skul. Madami nangyari.”
Medyo gabi na ‘yon at alam kong galing sila ng APA (studio). Mabilis akong
nagreply, kinakabahan.
“Nandito ako sa gym (nag decide ako mag gym para sa April 4.) bakit? Hindi na matutuloy ang Noli??” Mabilis kong reply.
To make the long story short pinuntahan nila ako doon, at bago nila sabihin ang tunay na dahilan ng kanilang pagpunta e sinabihan muna ako na napaka negative thinker ko daw. (Aminado ako doon) Tapos ay sinabi na nga nila ang magulo nilang kwento.
Galing sila ng APA, nakipag one on one daw sila kay Sir Bicong. Acting tips and informal practice na din. Sabi ni Ate Leo, sabi daw sa kanya ni Sir Bicong 2% lang daw ang nakuha niya sa acting ni Sisa. At sinabihan pa siyang “Don’t act baliw, be baliw!” Sabi naman ni Nikki “Inay” pa lang ang sinasabi niyang line e napaka dami na daw ng nakitang mali ni Sir Bicong.
“Oh tapos? Pinuntahan niyo ako para sabihin lang ‘yon?” sabi ko sa kanila.
“Kailangan mong pumunta doon, kailangan.” yan ang natandaan kong ma salita mula sa kanila na masunurin ko namang sinunod.
Bitbit ang lakas ng lood at kapal ng mukha, nasa APA na ako. Napaaga nga ata dahil halos isang oras ko din hinintay ang pagdating ni Sir Bicong, na agad namang nagpaunlak ng one on one practice sa akin. Pinapasok niya ako sa office niya, at sinabihan ako kung maari ko ba daw siyang basahan ng kahit isang line lang mula sa mga script ko. Sinubukan ko ang line ni Damaso. Wala pa man sampung salita ang nasasabi ko..
“Akala kasi natin kapag umaarte nasa boses tapos lalagyan mo ng galaw ng kamay at katawan.” Sabat niya. Tapos ay ginawa niya ang karakter ni Damaso. Honestly, pakiramdam ko noon siya talaga si Padre Damaso! Napakagaling.
“Hindi mo kailangan umarte, dahil ikaw ang karakter.” Sabi pa niya. “Kapag papanik ka ng stage, wala na si Kaloy, ang karakter muna ang makikita ng tao at kalakip noon ay ang boses, galaw, pananalita, pakiramdan, at pag-iisip.” Pagtatapos nito bago niya ako binigyan ng isang oras para basahin ulit ang mga scripts ko at kilalanin ng mas maige ang bawat karakter na minimorya ko lang ang mga linya at hindi pinagka abalahan kung bakit ‘yon ang kanilang mga ugali at salita. “Tama si Sir, at mali ako”
Session kami ulit, ngunit ngayon hindi na sa office. Pumunta kami ng mirror room. Umarte ako, mali! Umarte ulit with conviction, mas mali! Sinubukan kong papasuking ang ispirito ni Damaso sa aking sarili, medyo nakapag deliver ako hanggang sa pangatlong line ng script, pero hanggan doon lang. Natapos ang araw na iyon at umuwi akong tulala. “All this time, I didn’t know how  to act.” ‘yan ang sabi ko sa sarili ko. At doon ko lang naintindihan kung bakit ganoon na lang ang mga itsura nina Ate Leo at Kuya Nikki nung gabing iyon.
Gabi bago ang itinakdang araw, binasa ko ulit ang mga scripts na hindi ko na binuksan mula ng mapahiya ako sa sarili ko. Binasa ko lang, inintinde ang eksena, hindi ako nagmemorya, wala akong piniling karakter. Lahat inintindi ko lang, habang umiinom ako ng mainit na gatas, pagkatapos ay natulog na ako.
“Alas nuebe ang call time, alas otso medya magkikita daw kami ni Ate Leo sa Carmelite (harapan lang ng studio) para magdasal. Nag-init na ang pwet ko sa pagkakaupo wala pang Ate Leo ang dumarating. Limang minuto bago mag alas nuebe nakapagdasal din ako ulit kasama na si Sisa. Ramdam ko ang pagiging Sisa ni Ate Leo noon, mula itsura hanggang sa kaluluwa. Pumasok na kami ng studio. Umpisa na ang laban, bitbit ko ang limang karakter sa aking katawan: Si Damaso, Elias, Narrator, Kapitan Tiyago at si Ibarra na hiningi ko ang script.
Sa Audition may mga hindi na bumalik, o kaya’y hindi na nakabalik sa dahilang hindi ko alam. Hindi ako pumasok sa audition ni Ibarra (alam kong hindi ako ang taong ‘yon) tanging si Elias at Basilio lang ang pinasubok sa akin. Ou, kasama si Basilio, ang ganda kasi ng scene ni Ate Leo (as Sisa) at ng mga aspiring Basilio kaya pati ako naki audition. Iba kaeksena si Ate Leo iba ang impak. Halos limang oras din kami nanuod, sumalang, umiyak, umarte, nabaliw sa kakasubok hanggang sa pina-indian sit kaming lahat. Tapos na ang FINAL CASTING. At ipo-post daw nila ang resulta bukas. Pero ang good news lahat daw kukunin na ni Sir Bicong. Ang pinag uusapan na lang e kung anong role ang maibibigay sa kung kanino. Pero, eto pa ang sinabi niya na dumurog sa puso ni Ate Leo:

“So far, wala pa akong Sisa. Find me a Sisa that can sing.” (pareho kami ni Ate Leo purong aktor, umaacting lang kami na marunong kami kumanta. Pero sa lagay niya, kumapos ang boses niya. At bumaha ang kanyang mga mata. Parang nabigo din ako ng mga oras na ‘yon.
Hindi kami agad umuwi, pinatahan muna namin si Ate Leo at nagbaliw baliwan
pa ng mga ilang oras sa APA hanggang sa kumawala na ang kaluluwa ni Sisa sa
 pagkatao ni Ate Leo at na-print na ang mga resulta ng Final Casting. Malungkot man si Ate Leo pagkat sa halip na Sisa e Kapitana Maria ang kanyang nakuha masaya na rin kami na walang hindi makakasama sa nation wide Theater Play tour ng Noli. Nasungkit ni Nikki ang karakter ni Crispin at least kapatid ng karakter na kanyang inasam na si Basilio. At nakita ko ang pangalan ko sa tapat ng karakter ni Elias. 
Sa lunes, contract signing na!🙂