Puspusan niyang binubuhat ito sa mainit na daan. Napaka-init ng sikat ng araw, halos napapaso na ang talampakan ni Manong. Pudpod na rin kasi ang tsinelas nito. Tumatagaktak rin ang pawis niya, tumutulo mula ulo hanggang sa tuluyang kumalas ang mga ito sa kanyang baba. At didilig sa naglalabaglab na lupa.

Napakalayo na ang nilakad ni Manong, pero ni isa wala pang nag alok sa kanya ng tulong. Kung sabagay, sanay ang lahat na makita siyang ganon. Pawisin, hapo, at halos pumuputok na ang ugat sa bigat ng dinadala. Ang hindi nila nakikita, ang dedikasyon ni Manong na buhayin ang kanyang apat na anak, at ang misis niyang nagdadalang tao sa kanilang munting bunso.

Sa bawat hakbang ni Manong mababanaag mo ang walang palya nitong pag-asa na sa bawat sigaw niya sa kanyang paulit-ulit na lirikong kanta ay may maiuuwi itong pagkain sa kanyang pamilya.

“Papaaag!!!” may tonong sigaw ni Manong na noo’y nilapitan ko.

Hesus pala ang pangalan niya.