Sinisinghot ko
ang katahimikan.
Habang unti-unting
binubuksan -ang mga mata.
Pinakikinggan,
ng aking taenga.
Ang nawawalang
huni ng iyong
paghinga -kagaya kagabi.
Gusot-gusot
ang kumot,
nagkalat sa sahig
ang mga damit,
-ngunit wala na
ang sa’yo.
Ang mga mata ng kagabi.
Napako sa kisame -maputi.
Lumulukob, kumikipkip
sa abandonadong sarili.
Sumilip na ang umaga,
dumura ng konting liwanag.
Sa mga singit ng bintana.
Doo’y napagtanto ko,
tapos na ang gabi.

Wala ka na,kasama
ang laman ng aking pitaka.