Iniwanan ko ang aking mundo

ng ninakaw kita. Tinaya

ang lahat-lahat-

hanggang sa huling barya.

Ipinaglaban kita. Pero,

nagapi tayo ng gutom.

Laman ng tiyan mo din,

ang yumanig sa akin.

Kaya ibabalik na lang muna kita.

 

Tinalikuran ako ng mundo

ng talikuran kita. Umiiyak

ang kalangitan,  ‘yong mata.

Nag dilim din ang paningin

ng ama mong araw. Hinampas

din ako ng hangin-

hindi na nakatiis. Sa inis!

Poot! Galit at matinding yamot.

 

Tinulugan ako ng mundo

ng ipikit ko ang aking mga mata.

Nagsara nang bintana-

ang buwan. Pati mga tala,

pumikit. Tumahimik din

ang hangin, sa pag-hilik.

Mula noon, hindi na kita

muling nakita, pati ang anghel

na iyong dinadala.