“anong nutrition ang makukuha ko dito?” walang boses na tanong ko habang kaharap nanaman ang paulit-ulit na ulam ng aming hapunan at paboritong pampainit ng aming lamesa- isang mangkok ng payless noodles.

Pagod. Uhaw at gutom ako mula sa eskwelahan at trabaho. Matyagang naghihintay at nag-aabang sa akin ang giniginaw ng sabaw sa mesa. Ngunit kaiba ang laman ng mangkok ngayon.  “Dumami ata ng kaunti ang ulam?” Pero kulang parin sa isang tao. “Tay! Bakit hindi pa kayo kumain?” sigaw ni ate mula sa kwarto.

“hindi pa pala siya kumain.” umiling ang ulo ko sa inis at pagkabigo. May kahati pa pala ako! Tahimik akong sumandok ng kanin pagkatapos niya. Nauna rin siyang sumalok sa mangkok ng ulam. Konti. Napaka konti ng kanyang ninakaw sa walang sustansyang sabaw. Kasing konti ng salitang ibinuhos niya sa dalisay na gabi.

“sayo nang lahat ‘yan, nak”

Nakita ko ang umaapaw na sustansya sa akin nang noodles ng gabing iyon.