Gumuguhit nang anino ang tubig-

isang imahe. Sa windshield

ng ating tipanan. Hawak ang manibela

aking naramdaman- pagpatak ng ulan

sa aking mga mata.

 

 

Biglang naglaho ang imahe;

kinayod nang tatlong hampas ng wiper.

Paglalambing mo sa aking balikat,

Banyos ng iyong malalambot na labi

at isang naglalagablab na yakap.

 

 

Ngunit muli’t muli paring nagbabalik

ang sikretong ibinunyag ng

imaheng iginuhit nang tubig.

Tubig na nilamig sa aking panandaliang

pagkawala.  Kaya’t nagtampisaw

sa init ng ibang araw, na sa kanya’y

sumipsip at kumulong

sa rehas na gawa sa ulap-

na walang hablas nagbuhos

ng libong dipang

kalungkutan sa ‘kin.

 

 

Unti-unti akong nalulunod.

Nanlalamig, namamadhid at namamatay.

Sa bawat panaghoy ng kapatawaran-

tanda ng isang kasalawahan.

 

 

Subalit hangga’t patuloy ang pagbuhos ng ulan.

At hindi man magawang tuluyang tuyuin

ng wiper ang maitim na anino-

guhit nang ulan.

Patuloy parin akong mabibighani;

magpapabihag sa indayog,

ng maalindog na tubig ulan.