Gumuhit nang magandang imahe ang anino ng tubig,

sa windshield, ng sasakyang piping saksi – Sa amin.

Bumubulong ka ng hinala kagaya ng hampas ng hangin,

sa siwang ng bintana, ng sasakyang piping saksi – Sa atin.

Nagsisayawan ang malilit na butil ng ulan sa ‘yong mata,

lumalagitik sa bubungan ng piping saksi ang aking mali.

Sintonadong umawit noon ang langit, bumibingi

sa paligid. Na ating kinalalagyan. Tinatakbuhan.

Tumitindi ang party, pati ang hangin – naki jamming.

Hindi, mali ako ng intindi. Hindi ito party.

Isa itong malaking pagdadalamhati,

pakikiramay. Sa lulan ng piping saksi.

Gumuhit ng isang binibini ang anino ng tubig,

minasdan ko ito sa huling sandali. Nagsayawan

ang memorya ng magagandang imahe ng nakaraan,

muli kong inalala ang tag-araw sa likod ng ulan.

Tumindi ang party! Pati ang bangin – naki jamming.

Lumiwanag ang windshield ng sasakyan;

iniwasan ko ang liwanag – nagpatukso sa kadiliman.

Bumulwak ang dekolor na tubig sa aking bibig.

Ngunit gumuhit parin ako ng ngiti, buhay ka!

Kasabay ng unti-unting paglabo ng imahe mo,

at panaghoy mo sa pangalan ko. Lumakas ang buhos ng ulan.